Double standard ng Blue Ribbon binira
MANILA, Philippines – Binatikos kahapon ng United Nationalist Alliance ang umano’y double standard na pinaiiral ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga kahilingan sa subpoena at dokumento sa mga isyung iniimbestigahahan nito.
Pinuna ni UNA Interim President Toby Tiangco na, makaraang igisa sa harap ng publiko si Vice Pres. Jejomar Binay batay lang sa pahayag ng Commission on Audit, tila may pinoprotektahan ang komite ni Sen. TG Guingona na ayaw nitong isiwalat ang resulta ng imbestigasyon ng COA sa mahigit 15 bilyong halaga ng transaksyon sa Malampaya Funds.
Binanggit niya na noon pinilit ng SBRC ang COA na iharap ang preliminary report nito sa Makati City Hall Building 2 pero, sa audit ng COA sa mga ahensiya ng pamahalaan na sangkot sa Malampaya Fund scam, mas pinili ng komiteng ito ng Senado na pag-aralan muna ang kahalintulad na kahilingan ng subpoena para rito.
“Dahil ba masasangkot sa Malampaya audit ang mga dating kaalyado ni (dating Pangulong Gloria) Arroyo na lumipat sa LP (Liberal Party) na pinangakuan ng proteksyonsa mga kaso at ang mga mapagkunwaring ‘Tuwid na Daan’ na mga opisyal at kaalyado ng administrasyong Aquino na pinangingibabawan ng LP?” tanong ni Tiangco.
Sinabi pa niya na ang umano’y pagkakasangkot ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa Malampaya scam ay maaaring magdawit sa mga taong kaibigan ng administrasyong Aquino.
- Latest