12 NGO’s nakinabang sa P900-M Malampaya funds
MANILA, Philippines – Umabot sa P900 milyon pondo mula sa Malampaya Funds ang nakuha ng 12 Non-Governmental Organizations (NGOs) na may kaugnayan sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Ito ang isiniwalat kahapon ni Commission on Audit chairperson Grace Pulido Tan sa hearing kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Teofisto Guingona III tungkol sa anomalya ng Malampaya Funds noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ang pondo ay ipinadaan sa Department of Agrarian Reform base umano sa kahilingan ng nasa 97 mayors noong 2009 bilang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Ondoy at Pepeng.
Ang DAR ang pumasok sa memorandum of agreement (MOA) sa 12 non-government organization (NGO) at mga ito pinaghati-hati ang P900 milyong pondo.
Inihayag din ni Tan na ang bawat memorandum of agreements ay nagkakahalaga ng hindi lalampas sa P10 miyon upang hindi na kailanganin ang lagda ng dating DAR secretary.
“Ang sinasabi namin dito, sinadya na i-isplit ang mga proyekto na ‘yun para hindi tumaas. Kasi ‘pag tumaas sa P10 million, Secretary ang kailangang pumirma. Since ito ay P10 million and below, pwede si Usec (Rafael) Nieto at the time ang pumirma. It is not justified for them to split to have 97 MOAs,” pahayag ni Tan.
Kabilang sa mga nakinabang na NGO’s ay ang Karangyaan para sa Magbubukid Foundation; P82.5 milyon; Gintong Pangkabuhayan Foundation Inc., P82.5 milyon; Kaupdanan Para sa Mangunguma Foundation Inc, P75 milyon; Kasaganahan para sa Magsasaka Foundation Inc., P75 milyon; Dalangpan Sang Amon Utod Kag Kasimanwa Foundation Inc., P75 milyon; Ginintuang Alay sa Magsasaka Foundation Inc. P77.5 milyon; Bukirin Tanglaw Foundation Inc., P75 milyon; Abundant Harvest for Peoples Foundation Inc., P75 milyon; Tanglaw Para sa Magsasaka Foundation, P72.5 milyon; Saganang Buhay sa Atin Foundation Inc. P80 milyon; Micro Agri Business Citizens Initiative Foundation Inc. P55 milyon; Masaganang Buhay Foundation Inc. P75 milyon.
Natuklasan din ng COA na ang mga MOAs ay nilagdaan ng tatlong notaries public na kinabibilangan nina Delfin Agcaoili Jr., Editha P. Tanaboc, at Mark S. Oliveros. Pero lumabas na hindi naman abogado si Oliveros at hindi nila matukoy ang kinaroroonan ng dalawang naunang notary public.
Kaugnay nito, balak ni Guingona na muling magpatawag ng hearing at posibleng imbestigahan muli ang itinuturong utak ng pork barrel fund scam na si Janet Lim-Napoles at iba pang sangkot sa Malampaya fund scam.
- Latest