Patas na SRP sa maliit na negosyante hiling sa DTI
MANILA, Philippines – Hiniling ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce Inc. sa Department of Trade and Industry (DTI) na maging patas sa maliliit na retailers sa pagtatakda ng “Suggested Retail Price (SRP)” upang maayos na masunod ang tamang presyo ng mga bilihin sa merkado.
Sinabi ni Carlos Cabochan, chairman ng PCCCI-Caloocan Chapter na tila naaagrabyado ang mga maliliit na supermarkets at groceries sa pagtatakda ng SRP ng DTI dahil sa kakulangan sa pagsangguni ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Cabochan, pangulo rin ng Philippine Consumers Centric Traders Association (PCCTA), mas malaki ang gastusin ng mga mas maliliit na supermarkets at groceries dahil sa mas mahal ang hango ng mga ibinibentang produkto buhat sa mga manufacturers.
Kumpara sa mga mas malalaking supermarkets, mas bultuhan ang paghango ng produkto ng mga ito sa mga manufacturers sa mas mababang halaga kaya nakakaya ng mga ito na magdikta ng SRP sa lokal na merkado.
Ayon kay Cabochan, mapapansin na mas maliliit na mga supermarkets, groceries at puwesto sa palengke ang palagiang sinasalakay ng DTI dahil sa hirap na makasunod sa itinatakdang SRP na kinakailangan lamang na may 5% tubo buhat sa presyo ng mga manufacturers.
- Latest