Evidence vs Bong ‘niretoke’
MANILA, Philippines – Nabisto umano ang ilang dokumentong ginawang ebidensya laban kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na diumano’y dinoktor upang burahin ang mga detalyeng magpapawalang sala sa Senador na nahaharap sa kasong plunder.
Dahil dito, inihayag ng kampo ni Revilla na maghaharap ng manipestasyon ngayon sa Sandiganbayan ang abogado ng Senador makaraang mabisto ang lantarang pandaraya.
Noong Biyernes ay nagkaroon ng preliminary conference na dinaluhan ng mga abogado ni Revilla at abogado ng kaniyang staff na si Atty. Richard Cambe upang markahan ang mga ebidensiya ng prosekusyon at depensa.
Napag-alaman ni Atty. Remegio Michael Ancheta na may apat na pahinang dokumento ang isinumite ng prosekusyon na pawang may palatandaang dinoktor upang pagtakpan ang katotohanan.
“Maliwanag na pandaraya ang ginawang ito ng prosekusyon dahil sa sinadya nilang baguhin ang dokumento, at hindi ito aksidente dahil sa apat na dokumento ang nadiskubre ko at posibleng madagdagan pa,” pahayag ani Ancheta.
Ang mga nasabing mga dokumento ay mga photo copy ng disbursement voucher na siyang maglalahad ng katotohanan at makakapagpagaan sa korte na magdesisyon upang payagang makapagpiyansa sa lalong madaling panahon si Revilla.
- Latest