Ona pa din sa DOH – Malacañang
MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na walang katotohanan ang report na nagbitiw na kamakalawa si DOH Sec. Enrique Ona, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Sinabi ni Usec. Valte sa media briefing, hindi totoo na naghain ng kanyang courtesy resignation si Sec. Ona kay Pangulong Aquino bagkus ay pinalawig lang ang kanyang leave.
Aniya, pinayuhan ni Executive Sec. Paquito Ochoa Jr. si Ona na palawigin na lamang muna ang leave nito habang nagsasagawa ng assessment ang Office of the President (OP) kaugnay sa isinumite nitong mga dokumento na hiningi ni PNoy sa DOH chief.
Napaulat sa isang broadsheet (hindi sa Philippine Star) na nagsumite ng courtesy resignation si Ona kay Pangulong Aquino.
Magugunita na mismong si Pangulong Aquino ang nag-utos kay Ona na magbakasyon muna upang maihanda nito ang kinakailangang mga dokumento na kanyang hinihingi.
Nagkaroon ng kontrobersya sa ginawang pagbili ng PCV10 ng DOH gayung ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) ay PCV 13. (Rudy Andal)
- Latest