P2.606T Nat’l Budget aprub na sa Senado
MANILA, Philippines – Pumasa na kagabi sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang P2.606 trilyong General Appropriations Act (GAA) para sa 2015.
Bumoto ang 13 senador pabor sa panukala na inaasahang maipapadala kaagad sa Malacañang pagkatapos ng gagawing bicameral conference committee sa darating na Martes upang malagdaan ni Pangulong Aquino.
Tiniyak ni Sen. Chiz Escudero na istriktong sinunod ng Senado ang kahulugan ng “savings” base sa ipinalabas na desisyon ng Supreme Court kaugnay sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Inihayag din ni Escudero na nagkaroon ng kabuuang P96.577 bilyon pondo na nai-realign.
Kabilang sa mga nagkaroon ng increase ang National Commission on Culture and Arts (NCCA) na P56.5M; Philippine Drugs Enforcement Agency, P18 milyon; Philippine Commission on Women, P3 milyon; at Judiciary P1.5 milyon.
Wala namang increase sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman at pondo para sa local government units.
Tinanggal sa Senate version ang budget ng DOTC para sa pag-buy out sa MRT na inilagay o gagamitin na lamang sa rehabilitasyon ng MRT.
Umaasa ang Senado na mabilis na magkakasundo ang dalawang kapulungan sa bicameral conference committee.
- Latest