Guilty, pero walang kulong sa 9 Tsinong mangingisda sa Palawan
MANILA, Philippines — Guilty ang ibinabang desisyon ng lokal na korte sa Palawan laban sa siyam ng Tsino na nahuling ilegal na nangingisda sa teritoryo ng bansa noong nakalipas na Mayo.
Pinagbabayad ni Palawan Regional Trial Court Judge Ambrosio de Luna ang mga Tsino ng $103,000 dahil sa pagnanakaw ng mga ito ng endangered sea turtles mula sa karagatan ng Palawan.
Wala namang binanggit sa desisyon ni De Luna na nagsasabing dapat ikulong ang mga mangingisdang Tsino, na pinatawan dahil sa kasong poaching at pangingisda ng endangered species.
Inaresto ng ang Tsino noong Mayo sa Half Moon Shoal dahil sa ilegal na pangingisda. Sa inspeksyon, nadiskubre sa barko ng mga Tsino ang may 555 na endangered sea turtles.
Ayon kay Hazel Alaska, clerk of court, sakaling hindi makapagbayad ang mga Tsinong mangingisda ng ipinataw na halaga ni Judge De Luna ay dapat silang makulong ng hanggang anim na buwan sa bawat kaso o isang taon para sa dalawang kaso.
Nauna nang hiniling ng China sa pamahalaan ng Pilipinas na pakawalan ang siyam na Tsino dahil nasa loob naman ng kanilang teritoryo ang mga mangingisda.
Iginiit naman ng Pilipinas na sakop ng exclusive economic zone ng bansa ang lugar kung saan nahuli ang mga Tsino.
- Latest