^

Bansa

UNA: US trip ni Mercado kaduda-duda

Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco sa Department of Justice (DOJ) na kumpirmahin ang napaulat na pag­biyahe ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado papuntang United States dahil ang lihim umanong pag-alis nito sa bansa ay lumilikha ng maraming ispekulasyon.

Sinabi ni Tiangco na ang pag-aatubili ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Immigration na kumpirmahin ang paglisan ni Mercado ay nagpapatotoo lang na lokohan lang ang imbestigasyon sa Makati at isang sabwatan laban sa pamilya Binay.

“Bakit walang ahensiya ng pamahalaan na nagkukumpirma sa media na umalis nga si Mercado papuntang Amerika noong Nobyembre 18? Ano ba ang itinatago nila sa kanyang pag-alis?” tanong ni Tiangco.

Sinasabi ng mga impormante na pinayagan ng DOJ ang lihim na pagtungo ni Mercado sa US  para bisitahin ang asawa nitong maysakit pero naniniwala si Tiangco na merong ibang dahilan sa patagong pag-alis nito.

Ayon kay Tiangco, naiintindihan niya na malaya si Mercado na umalis dahil hindi naman hinihigpitan sa ilalim ng Witness Protection Program ang mga galaw nito.

“Pero ang alam namin, dapat ipaalam muna sa WPP ang kanyang mga aktibidad papunta man sya sa mga isla niya sa Palawan o sa mga casino sa Las Vegas. Ang tanong namin, nagsabi ba si Mercado sa WPP na siya ay pupuntang Amerika para dalawin ang pamilya n’ya o may ibang pakay pa siya?” tanong  pa ng opisyal ng UNA.

Pinuna ni Tiangco na nagkakaroon lang lalo ng mga hinala na merong iba pang adyenda ang palihim na pagpunta ni Mercado sa US  bukod sa pagdalaw sa pamilya nito.

“Gumawa ng tahasang mga akusasyon si Mercado laban sa mga malala­king property companies sa Pilipinas nang tumestigo siya. Siniraan nya ang pangalan at reputasyon ng mga kumpanyang ito. At pagkatapos niyang gawin yan, lumipad ba siya agad ng Amerika para dalawin ang kanyang pamilya, magtago o iba pa? Isa sa mga konklusyon ay gusto niyang iwasan ang galit ng mga kagalang-galang na kumpanyang ito na siniraan niya sa mga pagdinig (sa Senado),” dagdag ni Tiangco.

Ayon pa sa kanya, ang mga miyembro ng Senate Blue Ribbon sub-committee ay malinaw na bahagi ng isang organisadong sabwatan na mapangalagaan si Mercado sa anumang paraan at hayaan itong magpakalat ng mga kasinungalingan laban kay President Jejomar Binay kahit makasira sa mga pribadong indibidwal at kumpanyaa.

Sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, itinuro ni Mercado si Ariel Olivar bilang dummy umano ng Bise Presidente bagaman, ang totoo, si Olivar ang dummy ni Mercado para sa Peak Tower condominium unit.

Dagdag ni Tiangco na tila sadyang hindi binanggit ng dating vice mayor sa pagdinig na ang middle name ni Olivar ay Mercado na inalis sa affidavit na isinumite sa Senado.

AMERIKA

ARIEL OLIVAR

AYON

BISE PRESIDENTE

BUREAU OF IMMIGRATION

MERCADO

SENADO

TIANGCO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with