Bawas-pasahe hinarang ng transport group
MANILA, Philippines – Hinarang kahapon ng mga transport group ang petisyon para sa 50 centavos fare reduction sa pasahe sa mga pampasaherong jeep nationwide. P8.50 ang minimum fare na pasahe sa jeep.
Sa ginanap na public hearing kahapon ng alas- 2:30 ng hapon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ikinatwiran ng ibat ibang transport groups na hindi napapanahon na mabawasan ng 50 cents ang P8.50 minimum fare sa jeep dahil magtataas naman ng presyo ng diesel sa Disyembre.
Ang petitioner ng 50 cents fare reduction na Pasang Masda ni Obet Martin at Negros Rep. Manuel Iway ay wala sa nabanggit na hearing.
Nilinaw naman ng mga oppositors sa petisyon na sina ALTODAP President Boy Vargas, ACTO President Efren de Luna, Piston President George San Mateo at Fejodap President Zeny Maranan na magugulo lamang ang publiko kung ibababa pa ang pasahe dahil kapag tumaas ang presyo ng diesel sa Disyembre ay tiyak na hihingi naman sila ng increase sa pamasahe.
Bunga nito, itinakda naman ni LTFRB Chairman Winston Gines na muling dinggin ang petisyong fare reduction nina Iway at Martin sa December 8 upang makadalo ang mga ito sa pagdinig at ihayag ang kanilang mga argument sa harap ng mga oppositors sa bawas pasahe.
Binigyang-diin naman ni Vargas na hindi nila papayagan na mabawasan pa ang P8.50 minimum fare sa jeep.
- Latest