Binay: Hindi trabaho ng mambabatas ang mag-imbestiga sa kasalanan ng opisyal
MANILA, Philippines – Isinumite na ni Vice-President Jejomar Binay ang kanyang 8-pahinang affidavit sa Senate Blue ribbon committee kung saan ay iginiit nitong hindi trabaho ng Senado na mag-imbestiga sa mga kasalanan ng mga opisyal ng gobyerno.
“It is not the task of the Legislature to investigate the culpability of government officials,” wika pa ni Binay sa kanyang affidavit.
Ginamit na sangkalan ni Binay ang kasong Neri vs Senate Blue Ribbon Committee sa pagpapaliwanag kung bakit hindi siya dumadalo sa imbestigasyon kaugnay sa sinasabing overpriced na Makati City Hall Building II.
Aniya, ang trabaho aniya ng Lehislatura ay gumawa ng batas at hindi idetermina kung may kasalanan o wala ang isang opisyal ng pamahalaan.
“The role of the Legislature is to make laws, not to determine anyone’s guilt of a crime or wrongdoing. It cannot adjudicate of prosecute,” sabi pa ng bise-presidente.
Hindi rin aniya maaring gampanan ng lehislatura ang trabaho at kapangyarihan ng korte at mga prosecutorial bodies.
Pormal ding itinanggi ni Binay sa kanyang affidavit ang akusasyon ng overpricing sa pagpapatayo ng P2.7-bilyong Makati City Hall Building II.
Natanggap ng komite ang affidavit noong Nobyembre 10 pero kahapon lang ito lumabas sa media.
Ayon kay Binay ang mga akusasyon laban sa kanya ay puro mga alegasyon lamang na naglalayon siyang siraan ng kanyang mga kalaban sa pulitika. Wala rin aniyang mga ebidensiyang naipapakita ang mga nag- aakusa sa kanya.
“These are bare allegations not supported by evidence…It is basic in the rules of evidence that bare allegations, unsubstantiated by evidence, are not equivalent to proof. In short, mere allegations are not evidence,” ani Binay.
Matatandaan na hindi sinipot ni Binay ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee noong Nobyembre 6 kahit pa nangako itong sisipot sa hearing.
- Latest