Mga dating adik bibigyan ng trabaho
MANILA, Philippines - Plano ngayon ng Caloocan City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na mabigyan ng trabaho o sariling negosyo ang mga dating drug users sa lungsod na sumailalim sa “drug rehabilitation” upang tuluyang mailayo umano ang mga ito sa impluwensya ng sindikato.
Sinabi ni Caloocan Police Deputy Chief for Administration (DCOPA), Supt. Ferdinand del Rosario na isa ang alternatibong hanapbuhay sa napagkasunduan ipatutupad ng Caloocan CADAC sa ginanap na pagpupulong nitong nakaraang linggo.
Ito ay makaraang ipag-utos ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang muling pagpapalakas sa kampanya kontra iligal na droga lalo na’t napapabalita na pabata nang pabata ang mga taong nagugumon dito at nasasangkot sa pagtutulak.
Sinabi ni Del Rosario na kakamustahin ng CADAC at aalamin ang takbo ng buhay ng mga dating drug user na sumailalim na sa rehabilitasyon. Dito tutukuyin ang mga nangangailangan ng hanapbuhay at isasailalim sa “livelihood training seminars” sa ilalim ng Labor and Industrial Relations Office (LIRO).
Gagamitin umano ng CADAC ang kanilang pondo para mabigyan ng pang-umpisang puhunan ang mga dating drug users para sa kanilang negosyo habang tuluy-tuloy ang ugnayan sa mga opisyal ng barangay para mamonitor ang mga ito.
Palalakasin ng CADAC katuwang ang Caloocan City Police ang pagbabantay sa mga paaralan at unibersidad sa lungsod kontra droga.
Kabilang sa mga aksyon na gagawin ay ang koordinasyon sa mga opisyales at security officers ng mga paaralan para sa pagtukoy sa mga estudyanteng posibleng sangkot sa distribusyon o paggamit ng iligal na droga at pagsasagawa ng patrulya sa bisinidad ng mga eskwelahan partikular kung “break time” at uwian. (Danilo Garcia)
- Latest