No evidence kay Drilon
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng nag-aakusa kay Senate President Franklin Drilon na si Manuel Mejorada na wala itong hawak na ebidensiya na magpapatunay na may nagsabwatan at kumita sa sinasabi nitong overpriced Iloilo Convention Center.
Ayon kay Mejorada, dating Iloilo provincial administrator, sa unang hearing ng Senate Blue Ribbon committee kahapon, overpriced ng higit P400 milyon ang ICC.
Pero nang tanungin ni Sen. Sonny Angara kung ano ang katibayan ni Mejorada na nagkakaroon ng sabwatan upang tumaas ang presyo ng ICC, inamin nito na wala siyang ebidensiya dahil wala siyang subpoena powers.
Inamin din ni Mejorada na bilang investigative journalist, ibinase niya ang ilan niyang impormasyon sa online encyclopedia na Wikipedia.
Nakasulat aniya sa Wikipedia na 6,400 square meters ang ICC at ito ang kanyang pinagbasehan sa pag-compute kung magkano aabutin ang proyekto.
“P679 million to complete Phase 1 and 2, eh aabot po sa P106,226 per square meter po.” ani Mejorada na nagsabi pa na P30,000 per square meter lamang ang standard na presyo sa industriya.
Pero ayon kay DPWH Sec. Rogelio Singson, ang floor area ng ICC ay 11,000 square meters at mali ang kuwenta ni Mejorada.
Sinabi naman ni Tourism Sec. Ramon Jimenez na hindi dapat ginagamit ang Wikipedia bilang source ng impormasyon dahil maari itong ma-edit o mabago.
- Latest