Magdalo soldiers binigyan ng trabaho ni Binay
MANILA, Philippines - Binigyan ni Vice President Jejomar Binay ng trabaho sa kanyang piggery farm sa Rosario, Batangas ang mga sundalong Magdalo matapos ang bigong Oakwood mutiny at Manila Peninsula takeover noong panahon ng administrasyong Arroyo.
Ito ang paliwanag ni Vice Presidential spokesperson for Political Affairs at Cavite Governor Jonvic Remulla kung bakit merong mga miyembro ng Magdalo sa naturang farm.
Ginawa ni Remulla ang pahayag para pabulaanan ang sinabi ni Sen. Antonio Trillanes na sangkot umano si Binay sa mga bigong kudeta laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
“Pagkatapos ng tangkang coup d’etat sa Oakwoood at sa Peninsula,? humingi ng tulong ‘yung mga sundalong nasalanta, silang mga naapektuhan dahil sa ginawa nila, nawalan ng trabaho, kinupkop ni Vice President ‘yan, tinulungan at binigyan ng trabaho,” sabi pa ni Remulla. “At ‘yung iba doon, ini-assign doon para magbantay ng babuyan. Ngayon magpapakita siya ng pictures, ito ay nangyari after the (fact), hindi before the fact. Hindi before Peninsula kundi after lahat ‘yan. Tinulungan niya lahat ‘yan, humingi ng tulong sa kaniya at nagbukas siya ng pintuan. Sabi niya, ‘Halika, tutulungan ko kayo. Magtrabaho kayo para sa akin para mabuhay ‘yung mga pamilya niyo.’
Ayon kay Remulla, napag-alaman ng kampo ni Binay na plano ni Trillanes na ipalabas ang mga litrato ng mga sundalo ng Magdalo na nasa naturang babuyan.
Iginiit ni Remulla na walang papel ang Bise Presidente sa planong kudeta. Hiniling umano kay Binay na makisangkot pero umayaw ito.
“Ayon sa Bise Presidente, nang iharap sa kanya ang idea, sabi niya walang magandang mangyayari dito. Kaya kung nakita niyo, kasama niya si Erap noong panahon na ‘yun. Hindi siya kasama doon sa ginawa ni Sen. Trillanes,” paliwanag pa ni Remulla.
Pinabulaanan din ng gobernador ang akusasyon ni Trillanes na hindi maipupuslit ang mga baril sa bigong kudeta kung walang tulong ng pamahalaang lokal ng Makati.
“Ay, alam ninyo, ang dala ng security guard ng City Hall maliit na pistol lang. Ang pagkaalam ko noon pwersahan silang umakyat doon at may mahahabang baril na dala. Walang laban ‘yung mga security guards noon. So, hindi talaga sila (unintelligible) ‘nun. Ano ‘yun kung nakikita niyo, kung nandodoon kayo pagkatapos ng hearing hinila na lang ni Sen. Trillanes si Danny Lim. Halika, sumama ka sa amin. At walang alam si Danny Lim noon, tapos pwersahan na silang lumabas noon kasama ‘yung mga armas nila,” sabi pa ni Remulla.
- Latest