Lagda ni Bong ‘fake’ - expert
MANILA, Philippines - Pinatotohanan kahapon sa harap ng Sandiganbayan ng isang signature and document expert na ang mga lagda ni Senador Bong Revilla na ginagawang ebidensiyang nagdadawit sa kanya sa P10-B pork barrel scam ay pawang pineke lamang umano.
Ito ang testimonya ni Atty. Desiderio Pagui na dating konektado sa National Bureau of Investigation (NBI) bilang senior document examiner na sinasabing isa sa mga recognized handwriting experts ng Korte Suprema.
Tiniyak ni Pagui na isinailalim niya sa masusing pagsusuri ang mga dokumentong nag-uugnay kay Revilla sa PDAF scam at lumalabas na ginaya lang ang lagda ng senador.
Isa-isang ipinakita ni Pagui sa Korte ang pagkakaiba ng mga sinasabing pirma sa tunay na lagda ni Revilla, at kung paano ito isa-isang ginaya.
Ang whistle blower na si Benhur Luy ang mismong nagsabi na pineke ang pirma ng ilang mambabatas.
Inihayag din sa testimonya kamakailan ng isang NBI witness na si Joey Narciso, na inutusan siya kung papaano gagawin ang kaniyang eksaminasyon sa Hard Disk Drive (HDD) ni Luy, kung kani-kaninong mga pangalan ang dapat nasa kanyang findings, at hindi sapat ang kanyang ginawang pagsusuri sa isinumiteng HDD.
Inamin pa nito na hindi 100 porsiyentong hindi napakialaman ang HDD bago pa man ito umabot sa kaniyang pag-iingat hanggang makarating ito sa Sandiganbayan bilang ebidensya.
Matatandaang natuklasan na marami sa mga files ni Luy ay huling na-save noong 2013 lamang kung kailan nasa kustodiya na ito ng NBI, DOJ, at Witness Protection Program. Hindi rin nito masagot kung bakit tila magkaiba ang mga laman ng HDD na isinumite ng NBI sa Senado at sa Sandiganbayan.
Samantala, ‘ni isa naman sa mga tinanggap ng Sandiganbayan kahapon na ebidensiya ng prosekusyon sa Offer of Evidence nito, ay walang nagpapakita sa kaugnayan ni Revilla sa mga akusasyon sa kanya. Ito rin kasi mismo ang mga dokumentong naipakita nang mga pineke, at ang HDD na inaming hindi malinaw ang integridad. Wala namang kahit isa sa mga dokumento na galing sa COA ay nagpapakita ng pagkakasangkot ng Senador sa PDAF scam.
Umaasa naman ang kampo ni Revilla na kakatigan sila ng Korte para makapag-piyansa sa lalong madaling panahon.
- Latest