DOH kinalampag sa paghahanda sa Ebola
MANILA, Philippines - Kinalampag ng mga health workers ang tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Maynila kahapon ng umaga upang bigyan ng pansin ng kagawaran ang paghahanda sakaling makapasok sa bansa ang nakamamatay na Ebola virus.
Ayon sa Alliance of Health Workers, kulang ang pasilidad partikular sa Lung Center of the Philippines na planong pagdalhan ng mga posibleng kaso ng Ebola. Wala anila itong special ward at wala ring training ang mga manggagawa para sa tamang paggamot sa sakit.
Wala rin anilang personal protective equipment (PPE) ang health workers at walang inilatag na plano sakaling sila mismo ang mahawa ng virus.
Sinabi ng grupo na hindi umano biro ang sakit na Ebola kung kaya’t dapat lamang umanong bigyan ng pansin ng mga opisyal ng pamahalaan.
Anila, buhay at kinabukasan ng kanilang mga pamilya ang nakasalalay sa kanilang ginagampanang trabaho.
Giit ng samahan, sinasalamin nito ang kawalang prayoridad ng gobyerno sa kapakanan ng kalusugan ng mga mamamayan.
- Latest