Atienza kay Lacson: P6.5 B pondo sa Tacloban ipaliwanag
MANILA, Philippines – Sa halip na manisi ng iba dapat na si Secretary Rehab Czar Panfilo Lacson na ang nagpaliwanag kung saan napunta ang P6.5 billion na dapat sana ay para sa Tacloban City na matinding tinamaan ng supertyphoon Yolanda.
Ito ang reaksyon ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza, matapos sabihin ni Lacson na isang “liar” o sinungaling si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.
Giit ni Atienza, dapat idinugtong nito ang paliwanag kung ano na ang nangyari sa pondong pantulong sana sa mga biktima ng trahedya dahil unfair umano ang akusasyon ni Lacson kay Romualdez, at higit sa mga taga-Tacloban City na walang nakita o naramdamang anumang uri ng assistance mula sa National Government mula nang tamaan sila ng Yolanda.
Hamon ni Atienza kay Lacson, i-account nito ang P6.5 Billion dahil mismong si Mayor Romualdez na ang nagsabing hindi dumaan ang pondo sa local government.
Sa simula pa lang ay dapat ipinaubaya na ng National Government sa LGU’s ang paggamit sa pondo dahil ito ang nakakaalam kung saan dapat ito ilaan.
Dahil kapag nagkaroon umano ng problema tulad ng kabiguang mai-account ng LGU ang pondo, ay walang ibang sisisihin kundi ang mga lokal na opisyal at maiiwasan na rin na magkaroon ng turuan sakaling magkahanapan ng pondo tulad ng nangyayari ngayon.
- Latest