108 peacekeepers sa Liberia ligtas sa Ebola virus - AFP
MANILA, Philippines – Ligtas sa kinakatakutang Ebola ang may 108 opisyal at enlisted officers na nagsilbi sa bansang Liberia matapos na makapasa sa screening test at magnegatibo sa virus.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ginawa ang pagsusuri ng dalawang mga doktor at isang paramedic mula sa Pakistani Medical Hospital sa ilalim ng United Nations Mission sa Liberia.
Ang Guinea, Liberia at Sierra Leone ang mga bansa sa West Africa na tinamaan ng Ebola outbreaks.
Ang resulta ay ipinarating sa AFP Peacekeeping Center sa pamumuno ni Col. Roberto Ancan.
Inaasahang darating ang grupo sa bansa sa Nob. 11, 2014.
Ang pagsusuri sa Ebola ay requirement para sa mga peacekeepers bago ang pagbalik nila sa bansa. Sila ay ika-quarantine sa Caballo Island sa loob ng 21 araw pagkadating sa Pilipinas.
Inatasan na ni AFP chief Gen. Gregorio P. Catapang Jr., ang Joint Task Group Liberia na maglaan ng recreational facilities sa mga peackeepers bukod pa sa medical facilities na kanilang kailangan habang nasa nasabing lugar.
Ang senyales at sintomas ng Ebola ay tipikal na nagsisimula at nararamdaman ng dalawa hanggang tatlong linggo matapos na tamaan ng virus tulad ng lagnat, sore throat, muscle pain o pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo.
Nauuwi ito sa pagsusuka, pagdudumi at rashes na nagiging sanhi ng pagbaba ng function o paggana ng atay (liver) at bato (kidney). Ang nasabing sakit ay nakamamatay at 25-90 porsyento sa mga infected sa naturang virus ang nasawi sanhi ng low blood pressure mula sa fluid loss.
Nakukuha at naihahawa ang virus sa pamamagitan ng direktang kontak sa dugo o ibang body fluids ng isang infected na tao o hayop. Ang infection ay nakukuha rin sa direktang kontak sa mga kontaminadong bagay o bahagi.
- Latest