Binay-Trillanes face off tuloy sa Nob. 27!
MANILA, Philippines – Tuloy na ang paghaharap nina Vice President Jejomar Binay at Senador Antonio Trillanes IV matapos na itakda ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang kanilang debate sa Nobyembre 27 sa Philippine International Convention Center (PICC).
Sa isang panayam sa radyo DZMM, kinumpirma ni KBP Chairperson Ruperto “Jun” Nicdao na matapos nilang maresolba ang mga kailangan mula sa magkabilang kampo ay tuluy na tuloy na ang debate na magsisimula ng alas-10 ng umaga at posibleng magtatapos ng hanggang tanghali.
Sinabi ni Nicdao, ang pamamaraan o pagsasagawa ng debate at ang mga prepositions at topic na pagdedebatehan ay plantsado na rin.
“All systems go tayo sa debate dahil lahat ng detalye na sine-settle pa between the two camps mukhang na-resolve na lahat,” ani Nicdao.
Nakatakdang makipag-ugnayan ang KBP kina Binay at Trillanes sa Martes upang mapapirmahan ang “rules of debate” bilang bahagi ng paghahanda sa nasabing pormal na paghaharap.
Ang debate sa pagitan ng Bise Presidente at Senador ay sasaksihan ng lahat ng miyembro ng KBP, media at mga inimbitahan mula sa academe at business community.
Ang face off ay inaasahang maeere ng live sa radyo at telebisyon. Gayunman, ang mga komentaryo umano mula sa publiko ay maaari lamang payagan pagkatapos na ng debate.
Matapos ang debate, isang press conference ang ihahanda para sa mga pagtatanong ng mga mamamahayag.
Ang naturang paghaharap ay maisasakatuparan kasunod ng unang paghahamon ni Trillanes kay Binay na sila ay mag-debate na tinanggap naman ng huli.
Pinili ni Binay ang KBP na siyang mangasiwa sa debate dahil sa nakitang magiging patas ang pagsasagawa nito.
Nagsimula ang iringan ng dalawang opisyal matapos ang alegasyon sa Senate Blue Ribbon sub-committee na nagkaroon ng overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2 at ang kontrobersya ng umano’y mga tagong yaman ng Bise Presidente na 350 hektarang “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas.
- Latest