May sapat na pondo para labanan ang Ebola – PNoy
MANILA, Philippines - Mismong si Pangulong Aquino ang tumiyak na may sapat na pondo ang gobyerno para sa kinakailangang paghahanda upang labanan ang banta ng nakamamatay na Ebola virus na posibleng makapasok sa bansa.
Ayon sa Pangulo, sapat naman sa ngayon ang pondo at kung kukulangin ito ay maari namang kumuha sa tinatawag na contingency fund o kahit sa Presidential Social Fund.
Hinikayat pa ng Pangulo ang mga mamamayan na umasa at magdasal na hindi makapasok sa bansa ang sinasabing Ebola virus.
“But let us all hope and pray that it will not be necessary,” anang Pangulo.
Tiniyak din ng Pangulo na may sapat na kakayahan ang mga local health authorities kung papaano lalabanan ang virus lalo pa’t nagkaroon rin ng paghahanda sa nagdaaang MERS Corona virus.
Kabilang na umano rito ang paggamit ng mga personal protective equipment at mga isinagawang seminars sa mga ospital para sa kanilang mga health personnel.
Sinusunod ng gobyerno ang kahalintulad na paghahanda ng mga organisasyon na lumalaban sa Ebola virus katulad ng World Health Organization at Centers for Disease Control and Prevention ng Amerika. (Malou Escudero)
- Latest