Bangkay pa nahukay sa ‘Yolanda’
TACLOBAN CITY, Philippines - Isang taon matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda, patuloy pa rin nakakakuha ng mga bangkay ang lokal na pamahalaan ng Tacloban na biktima ng nasabing bagyo.
Ayon kay Tacloban Mayor Alfred Romualdez, kamakalawa lamang ay nakakuha sila at nakapaglibing ng dalawa pang bangkay na naaagnas na.
Nakilala lamang umano nila ang isa rito na isang empleyado ng city hall sa pamamagitan ng ID nito at sa pamamagitan ng pagproseso ng National Bureau of Investigation (NBI) kaya nadetermina kung ano ang ikinamatay nito at kung kailan namatay.
Ang nasabing empleyado umano ay pang 18 sa mga empleyado na nasawi dahil sa bagyong Yolanda.
Hindi naman nito matiyak kung ang dalawa nilang narekober na bangkay ay nadagdag sa huling bilang ng NDRRMC na 6,300 nitong Abril.
Dasal, protesta isinalubong
Ginunita naman kahapon ng mga residente ng Tacloban ang ika-unang taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda sa pamamagitan ng mga dasal, pag-aalay ng bulaklak at pagtitirik ng kandila sa mga biktima sa isang mass grave na tinawag na Yolanda Memorial sa Barangay Basper, Tacloban City.
Nakalibing sa nasabing mass grave ang may 2,700 na biktima at nakapaskil din dito ang isang malaking listahan ng mga pangalan ng mga nasawi.
Idineklara ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang araw ng anibersaryo ng pananalasa ni Yolanda bilang National Day of Prayer.
Isang misa rin ang idinaos sa mass grave na dinaluhan ng mga miyembro ng lokal na pamahalaan, Sen. Bongbong Marcos, Leyte Rep. Martin Romualdez at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, local at foreign non-government organization (NGOs).
Nagkaroon din ng prusisyon na dinaluhan ng mga nakaligtas sa bagyo. May mga nakasindi pang kandila sa bawat tahanan na nadaanan ng prusisyon habang sabay-sabay ding pinatugtog ang mga kampana ng iba’t ibang simbahan.
Nagsagawa rin ng Haiyan Yolanda Survivor Run para makalikom ng pinansyal na ayuda para sa mga biktima habang nakapasok na sa Leyte ang Climate Change Walkers na 38-araw nagmartsa ng 1,000 kilometro mula sa zero reference sa Luneta sa Maynila noong Oktubre 2.
Isang kilos-protesta naman ang pinangunahan ng grupong People’s Surge para batikusin ang mabagal na tugon ng pamahalaan sa delubyo.
Sa Iloilo, isang simpleng programa ang isinagawa kung saan nagtipon-tipon ang mga nakaligtas sa hagupit ni Yolanda.
Halos 80-porsyento na ng mga residente ang nakabalik sa normal nilang pangkabuhayan.
Hapon nang magsagawa ng kilos-protesta ang mga aktibista na nananawagan ng mabilisang rehabilitasyon.
Maraming residente wala pa ring tirahan
Isang taon matapos ang pananalasa ng Yolanda, daan-daang residente pa rin na biktima ng bagyo ang walang matirahan.
Sa ngayon ay umaabot pa lang sa 200 temporary housing units ang naipapagawa sa dapat sana’y kailangang 1,400 units na maipagawa ng national government.
Nilinaw naman ni Romualdez na ang kalahati ng 200 units ay ipinagawa pa ng iba’t ibang NGO at walang ibinigay ang administrasyon kahit na pansamantalang matitirahan lamang ang mga biktima ng bagyong yolanda.
Ang tanging naibigay lamang umano ng gobyerno sa Tacloban ay P180 milyon pondo limang buwan matapos ang pananalasa para sa rehabilitation at reconstruction ng mga nasirang imprastraktura at mga daan base na rin umano sa mandato ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Subalit ang kabuuang halaga na kailangan ay P52 bilyon at para naman sa permanent housing units ay P4 bilyon ang kailangan.
Kaya sa ngayon ay mahigit sa 17,000 local business establishment sa Tacloban ang tumatakbo na subalit karamihan pa rin umano ang naghihikahos.
Sa ngayon ang higit umanong dapat pagtuunan ng gobyerno ay ang pagbibigay ng pondo para sa permanenteng tirahan at livelihood program para sa mga Taclobanon upang maayos ang kanilang pamumuhay.
- Latest