Smartmatic pinapa-blacklist
MANILA, Philippines - Hiniling ng iba’t ibang grupo sa Commission on Elections (Comelec) ang pagba-blacklist sa kompanyang Smartmatic sa susunod na halalan para sa karagdagang makina, supplies at serbisyo kaugnay ng nalalapit na 2016 elections.
Ayon kay Atty. Melchor Magdamo ng Witnesses for Transparency and Equitable Society, hindi na dapat pang payagan ng Comelec na sumali sa anumang bidding ang Smartmatic dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa ito nagko-comply sa kanilang patakaran.
Kabilang aniya sa mga nilalabag ng Smartmatic ay ang kawalan nito ng ISO 9001 certification; hindi nito pagmamay-ari ang PCOS software at source code; hindi rin 60-40 Filipino company ang Smartmatic TIM; hindi naglalaan ng digital signature at lantarang lumabag sa regulasyon ng General Procurement and Policy Reform Act.
Nilinaw ni Magdamo na wala silang inirerekomenda o kinakampanyang anumang partylist o grupo dahil ang hangad lamang nila ay ang pagkakaroon ng malinis at kapani-paniwalang eleksiyon.
Sinabi naman ni Jun Estrella, Kaakbay Citizen’s Development Initiatives, hindi na kailangang maulit pa ang naganap na dayaan sa halalan noong 2010 at 2013 kung saan ang Smartmatic ang gumawa ng resulta ng boto ng mga kandidato.
Paliwanag ni Estrella, P7 bilyon ang ginastos ng pamahalaan. Giit ng mga ito na kailangan na mabantayang mabuti ang bawat karapatan ng mga Filipino at mga botante lalo pa’t kapalaran at kinabukasan ng bansa ang nakasalalay sa 2016 elections.
- Latest