Guingona kay Binay: Sayang
MANILA, Philippines – Nanghinayang si Senate Blue Ribbon Committee Chair Teofisto Guingona III sa hindi pagdalo ni Bise Presidente Jejomar Binay sa imbestigasyon ng senado sa kanya.
"Sa pagtanggi ng bise presidente sa imbitasyon ng mother committee, nasayang, sinayang niya ang mahalagang pagkakataon, pagkakataon para iparating sa mga kababayan natin ang panig niya," pahayag ng senador ayon sa ulat ng dzMM.
Sinabi ni Guingona na ito na sana ang pinakamagandang pagkakataon upang makapagpaliwanag at madepensahan ng bise presidente ang kanyang sarili laban sa mga akusasyong nangungurakot siya.
"Nakakalungkot dahil hindi din binigyan ni bise presidente ng pagkakataon ang publiko na marinig ang panig niya upang makabuo sila ng sarili nilang pananaw at konklusyon sa mga isyung ito."
Imbis na dumalo sa Senado ay nagtungo si Binay sa Cebu kung saan kabilang sa kanyang agenda ang pagbisita sa Toledo City.
Inabangan ang pagdating ni Binay ngayong Huwebes sa Senado ngunit bago pa magsimula ay nag-abiso na nag mga kaalyado niya na hindi siya darating.
- Latest