Ex-Cavite Gov. Maliksi pinakakasuhan ng graft
MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ng graft ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si dating Cavite Governor Erineo “Ayong” Maliksi matapos makakita ng probable cause hinggil sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahilan sa irregular procurement ng mga gamot na may halagang P2.5 milyon.
Sa record, noong February 2003 ay pumasok ang lalawigan sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para bumili ng gamot sa ilalim ng P10 million grant.
Pero lumalabas na walang naganap na public bidding at ang Purchase Request, Purchase Order at Inspection and Acceptance Report ay naisagawa tatlong buwan bago maipalabas ang naturang pondo.
Ang mga gamot ay para sa Barangay Health Workers (BHW) National Convention noong November 2002.
Binigyang diin ni Morales na dahil sa walang naganap na bidding sa proyektong ito ay nagbigay ito ng malaking tulong sa supplier ng gamot, sa Allied Pharmaceutical Laboratories, Inc. at hindi rin napatunayan na ang nakuhang mga gamot dito ay ang pinakamura sa merkado.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng noo’y Cavite Vice-Governor Juan Victor Remulla.
- Latest