Pagpapalibing sa mag-iinang natupok sa sunog, sinagot ng Manila City government
MANILA, Philippines - Sinagot ng city government ng Maynila ang pagpapalibing sa Manila North Cemetery (MNC) sa mag-iinang natusta sa sunog na tumagal ng dalawang araw sa Binondo, Maynila.
Ayon kay MNC Administrator Daniel Tan, inaasikaso na nila ang paglilibingan kina Mary Grace Sudiam, 40 at mga anak na sina Peter Gerardo Sudiam Jr., 5; Gerald Mark Sudiam, 3 at Geraldine Sudiam, 1. Sinabi ni Tan na inabiso na sa kanila ni Manila 2nd District Councilor Rolando Valeriano ang pag-aasikaso sa pagpapalibing sa mag-iina na natupok matapos na sumiklab ang apoy dakong alas - 10:56 ng gabi noong Sabado na apula lamang noong Linggo sa panulukan ng Muelle dela Industria at Valderama Sts., Binondo,Maynila.
Nabatid na hindi na makilala pa ang bangkay ng mga biktima nang matagpuan ng mga awtoridad. Inaalam naman ang bilang mga nasunugan upang mabigyan ng financial assistance na kanilang magagamit bilang panimula. Tiniyak ng city government ang lahat ng tulong na kakailanganin sa mga nasunugan. Samantala, nagpasalamat naman si Gerardo Sudiam, Sr., sa buhos ng tulong sa kanya. Aniya, nagsisisi siya at hindi niya nagawang iligtas ang kanyang mag-iina.
- Latest