“Pinas sobra ang suplay sa shabu?
MANILA, Philippines – Sobra umano ang suplay ng methamphetamine hydrochloride (mas kilala bilang shabu) sa Pilipinas, ayon sa Customs at Philippine Drug Enforcement Agency sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon sa mga impormante, hindi lang sa Metro Manila ginagawa ang shabu kundi pati na rin sa mga probinsiya kaya bumaba ang presyo ng shabu mula sa P5 milyon bawat kilo at mabibili ito ngayon sa P1.5 hanggang P1 milyon bawat kilo.
Kaya, ayon sa mga impormante sa Customs at PDEA, marami sa mga kemikal na nagtataglay ng shabu substance ay ipinapadala sa pamamagitan ng mga sub port at hindi na sa mga paliparan dahil sa mas mahigpit na pagmomonitor sa paliparan.
Sa koordinasyon sa PDEA, nakasabat ang Bureau of Customs ng mahigit P24 milyong halaga ng bawal na gamot mula noong Pebrero ng taong ito na tinangkang ipuslit ng mga dayuhan.
Nagawa nina NAIA Customs Police Chief Col. Reggie Tuason, Customs Task Force on Dangerous Drugs Chief Major Sherwin Andrada at Customs Scanning Project Head Eric Macaombang sa pakikipagtulungan ni PDEA NAIA head Ace de las Alas na makontrol ang pagpasok ng shabu, cocaine at ibang droga sa bansa na ipinupuslit sa pamamagitan ng mga international airline.
- Latest