2 distressed OFWs sa Saudi tulungan - Villar
MANILA, Philippines - Hiningi ni Sen. Cynthia Villar ang agarang pagkilos ng Department of Foreign Affairs para pabalikin sa bansa ang dalawang OFW na nagdurusa sa Saudi Arabia.
Sa kanyang liham kay Sen. Loren Legarda, chair ng subcommittee na dumidinig sa DFA budget, hiningi ni Villar ang commitment ng DFA para gamitin ang lahat ng diplomatic means pati na rin ang Legal Assistance Fund and Assistance at Nationals Fund para tulungan si Pahima “Candice” Alagasi Palicasi ng Pikit, North Cotabato, na binuhusan ng kumukulong tubig ng kanyang amo sa Saudi Arabia. Sinampahan din siya ng kasong slander ng kanyang amo.
Si Mc Cormick Rabina, lalaki, ng Kibawe, Bukidnon at nagtratrabaho sa isang ice cream store sa Saudi Arabia ay ginahasa at halos patay na nang iwanan sa isang disyerto ng apat na kalalakihan noong nakaraang Mayo.
Kinailangan ni Rabina na sumailalim sa brain surgery makaraang ma-comatose.
Bunga nito, umabot ang unpaid hospital bills sa SR 200,000 or P2.5 million.
Sa budget hearing, sinabi ni DFA Sec. Albert del Rosario na binibigyan nila ng legal assistance si “Candice” pero di pa siya mapauwi dahil hindi pa siya mabigyan ng exit visa bunga ng nakabinbing kaso.
Sa kaso ni Rabina, umapela na ang DFA sa kanyang amo at insurance company para bayaran ang ospital.
Hindi pinagbigyan ang mga apela dahil sa hindi work-related ang nangyari sa kanya subalit pumayag ang ospital na magbigay ng discount.
Si Villar ang may akda ng Senate Resolution No. 931 para busisiin ang pagpapatupad ng Republic Act 10022 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, partikular ang probisyon sa pagpapauwi sa OFWs. (Butch Quejada)
- Latest