Dog pound sa Cainta kinalampag: Lepto sa aso hahawa sa tao
MANILA, Philippines - Posibleng kumalat sa bayan ng Cainta, Rizal ang sakit na leptospirosis na nakakahawa sa tao kung hindi ititigil ng agriculture office ng municipal government dito ang pagpapahuli sa mga aso.
Ito ang pinangangambahan ng grupong Save Animals of Love and Light (Save ALL) dahil merong mga aso sa Cainta Dog Pound na namatay sa naturang sakit.
Isa sa apat na tuta na dinala ng grupo sa clinic ay namatay na dahil sa leptospirosis, ayon kay Eo R. Cedeno, admin at tagapagsalita ng Save ALL
“Madali lang gamutin ang leptospirosis nguni’t kung huli ka ng huli ng aso at dinadala sa pound, iikot at iikot ang sakit. Mas masama diyan, pag may aso na i-claim ng owner at may leptospirosis, maaaring mahawa ang owner. Maaring kumalat ito sa mga tao,” giit ni Cedeno.
Dapat anyang magpatupad ang pamahalaang lokal ng Cainta ng moratorium sa panghuhuli ng mga aso hangga’t hindi naipapagamot ang tinatayang 70 aso sa dog pound.
Ayon kay Cedeno, tinangkang kontakin na ng Save ALL sa pamamagitan ng tagapagtatag nitong si Desiree Carlos nitong Oktubre sina Linda Hernandez, head ng agriculture office ng Cainta municipal government, at ang tatlong staff ng pound, tungkol sa naturang isyu pero hindi umano sumasagot ang mga ito.
Ipinaalam din ni Carlos kay Fely Abrenica, nagpakilalang pound assistant head, at staff na si Ester at Julie na may leptospirosis ang tuta na galing sa pound “kaya nakiusap na kami kay Doc Mace Licuanan-Resurreccion ng Mandaluyong Animal Care Center na pumunta siya doon upang masagip ang ibang mga aso,” sabi pa ni Cedeno.
Humingi din ng tulong si Carlos na isa sa pound staff na pagbuksan sila ni Doc Mace ng umaga ng Oktubre 26 upang ma-asses ng mabuti ang sitwasyon at maipasok ang mga gamot at suplemento na kakailanganin ng mga aso, sabi ni Cedeno.
Sa pagkakaalam ng Save ALL, may mga nakatoka na pumunta sa pound office at magpakain sa mga aso tuwing Sabado at Linggo na pound staff, mula alas-otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali. “Walang dumating ni isa sa kanila,” saad ni Cedeno.
Ang nakalulungkot, ayon kay Cedeno, ay biglang nanghuli uli ng siyam na mga aso noong Oktubre 27.
Kinabukasan, Oktube 28, nagpunta doon si Hernandez at sinabi sa isang Save ALL volunteer na iligal ang presensiya ng Save ALL doon dahil walang bidding at walang MOA (memorandum fo agreement) ang grupo sa kanila. Ang mga ito ay hindi sinabi na requirements ni Hernandez sa isang meeting nila ni Carlos noong Oktubre 3.
Nagtaka ang volunteer sapagkat anim na linggo ng nagpapakain ng mga aso sa hapon ang Save ALL volunteers at nagbibigay ng antibiotics sa sakit naman na erlichia at distemper na kumalat na din sa mga aso.
Ang higit na nakagulat sa Save ALL ay ng pagbawalan ang mga volunteers na pumasok sa Cainta Public Cemetery kung saan naroon ang Cainta Dog Pound na isang public facility.
“Okay lang ba sa kanila na ang mga residente ng mga Cainta ay mahawaan ng nakamamatay na sakit tulad ng leptospirosis?” dagdag ni Cedeno.
Madali lang gamutin sa aso ang leptospirosis at may mga guidelines na kailangan munang ikalat sa mga residente upang hindi sila mahawa, ayon kay Cedeno.
“Pero mahirap ito pag tumama na sa tao, mas marami na ang namatay sa leptospirosis na mga tao, alam natin yan,” sabi ni Cedeno.
Mula sa 77 na mga aso na naabutan ng Save ALL, bumaba ito sa 72 noon Oktubre 1 dahil dinala ang limang aso na napakahina na sa clinic. Ngunit tumaas pa ang bilang ng aso sa 82 ng nanghuli uli ng mga aso.
Bumaba sa 56 ang numero ng mga aso dahil may dalawang nakawala, sabi ng pound staff, at may mga namatay,
“Ang mahalaga kasi ay ma-contain ang sakit, mapagaling ang mga aso, ma disinfect ang lugar para pagpasok ng bagong mga aso, wala nang mahahawa,” ayon kay Cedeno.
Maaring maipasa sa tao ang leptospirosis kung hindi alam ng owner na may nakuha ng sakit ang aso na tinubos sa halagang P500 sa pound, dagdag ni Cedeno.
Ang leptospirosis ay “zoonotic” o naipapasa sa tao ng aso, o ng ipis na nakadaan sa ihi ng aso.
- Latest