Binay inendorso ni Erap sa 2016
MANILA, Philippines - Itinaas na kahapon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ang kamay ni Vice President Jejomar Binay, at inindorso nito bilang “presidential bet” para sa nalalapit na 2016 national elections.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP), naganap ang pagtaas ni Erap sa kamay ni Binay na senyales na siya ang sinusuportahan nito sa nalalapit na presidential elections sa paglulunsad ng libro ni dating House Deputy Speaker Arnulfo Fuentebella na may pamagat na “Embracing Destiny” sa Tigaon, Camarines Sur.
Bunsod nito, malakas ang duda ng ilang kampo na tuloy na ang Binay-Erap tandem sa 2016 national elections.
Magugunita na noong ikalawang linggo ng Oktubre habang nasa Kidapawan City sa North Cotabato ang Bise Presidente, sinabi niya na hindi nito inaalis sa kanyang listahan at ikinokonsidera si Estrada na running mate nito sa 2016.
Magugunita na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kampo nina Binay at dating Pangulong Erap matapos na kumalas ang Bise Presidente sa partido ng huli at bumuo ng panibagong political party.
Dito, nawala na ang unang sumingaw na Binay-Jinggoy tandem.
Umugong din ang ulat na magkakabanggaan ang partido nina Binay at Erap sa 2016 national elections dahil sa nasabing pagkalas sa partido ni Binay.
Noong Setyembre 25, kinumpirma rin ng kampo ni Binay na ang United Nationalist Alliance ay bumuo ng bagong political party para sa presidential bid ni VP Binay sa 2016.
- Latest