Pamilya Laude sa BI: Pemberton ideklarang ‘undesirable alien’
MANILA, Philippines - Personal na hiniling kahapon ng pamilya ng napaslang na si Jeffrey “Jennifer” Laude sa Bureau of Immigration (BI) na ideklarang undesirable alien si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
Magkakasamang dumating alas 2:00 ng hapon sa BI sa Intramuros, Maynila sina Julita Laude, ina ni Jeffrey at mga kapatid na sina Marilou at Michelle, dalawang abugado at si Marc Suselback.
Kabilang pa sa kahilingan na naka-address kay Immigration Commissioner Siegfried Mison na kumpiskahin ng BI ang pasaporte ni Pemberton at padaluhin ito sa mga deportation hearing.
Umapela na rin sila sa BI na pagbigyan ang request ni Suselback, ang German fiancé ni ‘Jennifer’, sa voluntary deportation upang makauwi na ng kaniyang bansa sa madaling panahon.
Una nang sinabi ni Suselbeck sa inihaing voluntary deportation na dapat siyang makauwi kaagad ng kanilang bansa dahil may ipinarating sa kaniyang impormasyon ang employer na masisibak siya sa trabaho kung hindi makapapasok sa Nobyembre 3 at magmumulta pa kaugnay sa employer-employee agreement na breach of contract.
Noong Linggo ay hinarang sa airport si Suselbeck dahil sa BI Charge Sheet kaugnay sa reklamo ng AFP na pag-akyat n’ya sa bakod ng Camp Aguinaldo.
- Latest