Bank accounts ni Luy, et al buklatin – Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Pinayagan ng Sandiganbayan 5th division na mabuksan ang bank accounts ng whistleblower na si Benhur Luy at ng iba pang mga saksi sa multi bilyong pork barrel scam.
Sa ipinalabas na resolusyon ng graft court, pinagtibay nito ang naunang desisyon na pumapayag sa mosyon ng abogado ng negosyanteng si Janet Napoles na makapagpalabas ng subpoena sa mga bank accounts ni Luy, ina nitong si Gertrudes Luy, Merlina Suñas at Marina Sula.
Inisnab naman ng graft court ang mosyon ng prosekusyon na huwag payagan ang pagbuklat sa bank accounts ng mga whistleblower dahilan sa kakulangan sa merito.
Pinagtibay din ng graft court ang hiling ni Napoles na mai-subpoena ang Land Registration Authority (LRA) para makuha ang records ng real property nina Luy, Suñas at Sula gayundin sa Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Immigration (BI) para sa records ng kanilang mga sasakyan at travel history.
Sa panig ng prosekusyon, sinabi nitong labag sa probisyon ng bank secrecy law ang gagawin sa accounts ng mga whistleblowers at hindi umano makakatulong sa kaso kung mai-subpoena man ang LRA, LTO at BI dahil hindi naman ito kailangan.
Binigyang diin ng graft court na maaari namang makita ang bank records ng mga whistle blowers dahil hindi naman sila ang kinasuhan ng plunder at nais lamang naman malaman kung may nakaw ding yaman ang mga saksi sa pork barrel scam.
- Latest