Nationwide transport strike tuloy ngayon
MANILA, Philippines - Sa kabila ng bantang paparusahan at tatanggalan ng prangkisa, handa na para sa malawakang kilos protesta at tigil pasada ang mga pampasaherong jeepney, tricycle, UV Express at taxi ngayong Lunes.
Ayon kay George San Mateo, national president ng PISTON (Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide), isasagawa ang “national day of protest” upang tutulan ang ipinapatupad na “Joint Administrative Order (JAO)” ng DOTC, LTFRB at LTO na nagpapataw ng napakalaking multa sa mga kolorum na sasakyan.
Ihihirit ng PISTON na suspendihin at tuluyang ipawalang-bisa ang JAO na isa lang anilang money making scheme.
Matatandaang Hunyo nang ipatupad ang JAO na nagtatakda ng multang aabot sa P1 milyon para sa mga bus.
Ayon kay San Mateo, magsasagawa nang tigil-pasada ang kanilang mga miyembro sa Cagayan de Oro, Iligan City, Bukidnon, Misamis Oriental at Surigao del Norte.
Magkakaroon naman ng kilos-protesta sa Metro Manila, Laguna, Albay, Iloilo, Bacolod, Cebu, Northern Mindanao, General Santos City, Davao City at iba pang probinsya.
Nanawagan naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga miyembro ng PISTON na huwag nang mangharang at mambato ng mga tsuper na hindi sasali sa tigil-pasada at nais ipagpatuloy ang paghahanapbuhay.
Iginiit nito na may sariling karapatan din ang ibang mga tsuper na ipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay habang may karapatan din ang mga motorista at pasahero na maaabala kung magiging magulo ang kanilang pagkilos.
Nangako naman ang ahensya na magpapadala ng mga libreng sakay tulad ng mga trak sa mga lugar na labis na maaapektuhan ng transport strike upang maihatid ang mga pasaherong mai-stranded.
- Latest