Backdoor entry vs Ebola tututukan
MANILA, Philippines - Iminungkahi ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) ang pagtutok din sa mga backdoor entry points sa bansa para matiyak na hindi makakapasok sa Pilipinas ang sakit na Ebola.
Ayon kay PHAP President Dr. Rustico Jimenez, hindi lamang sa mga paliparan nakakapasok ang indibidwal sa bansa kundi maging sa mga backdoor.
Dapat talagang tutukan na hindi makakapasok ang Ebola dahil hawig ito sa flu, mahaba ang incubation period ng sakit at posibleng marami na ring nakasalamuha ang isang posibleng tinamaan nito.
Bukod pa anya ito sa maraming ospital sa mga probinsya ang hindi kwalipikado na humawak ng malalang sakit tulad ng Ebola.
“Ang gusto po natin talaga, huwag makapasok yung Ebola kasi po talagang mahirap makontrol ‘yan dahil ang mag-aalaga po ‘yung mga nars, mga doktor, mga personnel sa ospital, ‘pag nahawahan po sila e wala na pong mag-aasikaso sa ibang pasyente,” ani Jimenez. Dalawa hanggang 10 beds lamang din ang mailalaan ng isang private hospital.
Ani Jimenez, kahit walang abiso sa kanila ang Department of Health (DOH), kusa nang naghahanda ang mga private hospitals.
- Latest