Trillanes, media nakapasok sa ‘Hacienda Binay’
ROSARIO, Batangas, Philippines — Nag-ocular inspection si Sen. Antonio Trillanes kasama ang mga miyembro ng media sa tinatawag na “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas kahapon.
Alas-12 ng tanghali ng dumating ang grupo ni Trillanes sa Sunchamp Agri-Tourism Park pero hindi pinayagang makapasok.
Sinabi ng abogado ng negosyanteng si Antonio Tiu na si Charinna Quintanilla na ang maari lamang pumasok ay miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee kaya nag-desisyon ang senador na huwag tumuloy sa ocular inspection kung hindi rin papasukin ang mga miyembro ng media.
Iginiit rin ni Trillanes na bilang isang agri-tourism park dapat ay bukas sa publiko ang napakalawak na property.
Halos hindi pa nakakalayo sa lugar ay dumating si Tiu at dinala si Trillanes at ang media sa sinasabing mansion na tinatawag naman ni Tiu na pavilion.
Tinawag ni Trillanes na “lavish, excessive at obsene” ang naturang lugar.
Halos hindi nagpapansinan sina Trillanes at Tiu na magkahiwalay na kinakapanayam ng media.
Sinabi ni Tiu na 145 ektarya lamang ang kanyang lupain at hindi 350 ektarya.
Naniniwala naman si Trillanes na hindi si Tiu ang totoong may-ari ng Hacienda Binay kundi ang pamilya ng bise presidente.
- Latest