PNoy walang balak ibasura ang VFA
MANILA, Philippines – Dinepensahan ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Lunes ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa kabila ng mga panawagan sa pagbabasura nito kasunod ng pagkakapatay sa isang Filipino transgender.
Sinabi ni Aquino na hindi sapat na dahilan ang isang krimen upang tuluyang sirain ang kasunduan ng dalawang bansa.
"Bakit natin kailangan i-abrogate ang VFA? Name me any place that doesn't have crime. The sin of one person, should [it] be reflective of the entire country? I don't think so," pahayag ni Aquino sa isang pulong balitaan sa Leyte.
Tiniyak ni Aquino inaasikaso na nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at US Ambassador to Manila Philip Goldberg ang isyu sa pagkulong sa suspek na pumatay kay Jeffry “Jennifer” Laude nitong nakaraang linggo.
Nakapiit ngayon ang suspek na si Private First Class Joseph Scott Pemberton ng US Marines sa loob ng USS Peleliu na nakadaong sa Subic Bay Freeport.
Dahil sa brutal na pagkakapatay kay Laude ay nabuhay ang panawagan sa pagbabasura ng VFA na sinasabing walang magandang naitutulong sa bansa.
"The VFA has been widely and rightfully criticized as an onerous agreement that has paved the way for the permanent presence of US troops in the country under the guise of year-round military exercises and training," pahayag ng Makabayan bloc sa Kamara.
- Latest