Trillanes inupakan ng gays
MANILA, Philippines – Binira ng mga tagapagtaguyod ng LGBTQ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer) ang isang nakabimbing panukalang-batas sa Senado na humaharang sa pagsisikap ng isang tao na magpabago ng kanyang kasarian.
Muling nabuhay ang isyu ng transgender sa kaso ni Jeffrey Laude (kilala ring Jennifer) na pinatay umano ng isang US Marine sa loob ng isang motel sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014.
Pinuna ng mga miyembro ng PROGAY Philippines na anti-gay at hindi sumusuporta sa kanilang layunin ang Senate Bill 3133 na isinampa nina Senators Antonio Trillanes IV at Francis “Chiz” Escudero.
Sinususugan ng SB3133 ang Republic Act 9048 o ang batas sa regulasyon sa pagbabago sa mga clerical error sa mga civil registry paper. Mapapadali umano rito ang pagtutuwid sa mga maling spelling, petsa ng kapanganakan at kasarian nang hindi na kailangang dumaan sa pagdinig sa korte.
Ikinagagalit naman ng LGBTQs ay ang ilang probisyon na lalong magpapahirap sa mga transgendered persons na ligal na palitan ang kanilang kasarian.
Sa naturang panukalang-batas kasi, dapat kasama sa petisyon sa pagpapabago ng nakasulat na kasarian ang sertipikasyon ng isang accredited government physician na nagpapatunay na ang petitioner ay hindi dumaan sa sex change o sex transplant.
“Nakakadismayang sampal ito sa aming mga transgender,” sabi ng militant gay movement Progressive Organization of Gays (ProGay Philippines).
“Manloloko si Trillanes! Pinaniwala n’ya kaming kakampi s’ya ng mga LGBTQs pero hindi naman makatarungan ang ginagawa n’yang batas para sa mga tulad namin. Hindi namin kailangan ang mga manlolokong senador!” sabi ng mga miyembro ng ProGay na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Ang sistema anila sa korte lalo na ng Supreme Court ay gumawa ng napakalupit na mga desisyon sa nagdaang 10 taon na nagbabasura sa ligal na aplikasyon ng mga transgender na mabago ang kanilang birth certificate, passport at iba pang ID.
- Latest