Free parking sa malls, ospital, atbp. isinulong
MANILA, Philippines - Isinusulong ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman Sherwin Gatchalian na gawing libre ang parking spaces sa mga piling establisimyento.
Sa House Bill 5099 na tatawaging Parking Fees Regulation Act, ay wala ng bayad dapat sa mga parking spaces para sa mga customers sa mga shopping malls, ospital, eskwelahan at kahalintulad na mga gusali.
Layunin ng panukala na maproteksyunan ang mga consumers sa sobrang bayarin sa mga parking fees gayong kumita naman ang mga establisimyento sa produkto at serbisyong binibili ng mga tao.
Masyado na rin umanong namayagpag ang mga shopping malls at ibang establishments sa kanilang anti-customer policy na pinaiiral sa pagkolekta ng excessive parking fee.
Panahon na rin aniya para kumilos ang Kongreso na magpatupad ng batas na magreregulate sa problema na tiyak na pakikinabangan ng nakakarami.
Nakasaad sa panukala na kung aabot sa P1,000 ang halaga ng binili ng isang customer at tatlong oras o mababa pa rito ang itinagal sa paggamit ng parking space ay iwi-waive ang bayad dito.
Ang standard parking fee naman ay P40 per vehicle na aabot naman sa walong oras ang paggamit sa parking space at dagdag na P10 sa mga dagdag pang oras habang P100 ang bayad kung overnight parking.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P150,000 sa bawat overcharged customer o pagkakakulong ng isa hanggang tatlong taon.
- Latest