Housing scam sa PagIBIG ‘di na mauulit - VP Binay
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Vice President Jejomar Binay na hindi na mauulit ang housing scam na nadiskubre noong 2010 at patuloy ang ginagawang reporma ng pamahalaan sa Home Development Mutual Fund (PagIBIG).
Sa ginanap na NCR Developer’s Forum, sinabi ni VP Binay na may mga namantala sa mahinang proseso na dating ipinatupad sa ahensya na naging hamon sa kanya bilang namumuno ngayon na baguhin ang sistema.
“Alam naman po ninyo ang kontrobersiyang nangyari sa Pag-IBIG na nagsimula sa pagsamantala sa mga kahinaan ng ilang proseso na dating ipinatupad ng ahensiya. Aaminin ko po, isa ang pangyayaring iyon sa mga malalaking hamon na kinaharap ko bilang pinuno ng mga ahensiyang pabahay ng gobyerno,” ani Binay.
Ayon kay Binay, nalampasan na ng sambayanan ang maling proseso at tinitiyak nito na gagawin ng kanyang pamunuan na hindi na maulit ang aniya’y pagsasamantala sa pondo na ipinagkatiwala ng mga PagIBIG members.
Tinukoy ni Binay ang developer na Globe Asiatique (GA) na magugunitang natuklasan ng PagIBIG na umano’y gumamit ng mga dokumento at ghost borrowers upang makakuha ng may P6.6 bilyong loan sa PagIBIG Fund.
Kabilang sa reporma na ginawa sa pamumuno ni Binay ay ang sentralisasyon ng pag-apruba ng housing loan applications.
“The Fund will now have the final nod on all applications, taking the task from the developers,” sabi ni Binay.
Kumpara sa lumang sistema, ang PagIBIG Fund ay maaaring gumamit ng fixed “loan-to-value” (LTV) ratio na maaring maging daan sa mga borrowers na makakuha ng mas malaking halaga ng loan o mauutang.
Sinabi ng Bise Presidente na mas aayusin ang dokumentasyon ng loan applications. Ang proseso na inaasahang ipapatupad sa susunod na taon, maaaring hindi na gumamit ng Contract-to-Sell at Deeds of Assignment at tanging ang Deed of Absolute Sale na lamang ang ipapalabas mai-isyu.
Sa nasabing hakbang, maayos at mapapabilis umano ang proseso ng housing loan applications, maaalis ang foreclosure proceedings at makakatipid ng oras at trabaho.
Sa bagong PagIBIG reforms, ang mga bagong miyembro ay maaari nang mag-aplay ng loan kapag kaya nilang magbayad ng 24 buwang lumpsum contribution.
- Latest