Solon dudang handa ang Pinas vs Ebola
MANILA, Philippines – Gustong paimbestigahan ni ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz sa Kongreso ang tunay na kahandaan ng gobyerno laban sa posibleng pagtama ng Ebola sa bansa.
Pinuna ni dela Cruz na mismong si Health Assistant Secretary Enrique Tayag na ang nagbabala na “it is just a matter of time” bago iulat ng bansa ang kauna-unahang kaso ng Ebola.
Minaliit ni dela Cruz ang pahayag ng tagapagsalita ng DOH na si Dr. Lyndon Lee Suy sa publiko na may paghahanda na ang pamahalaan para matugunan agad ang anumang magiging pagtama sa bansa.
“Ayon kay Dr. Suy, may mga ospital nang natukoy na siyang hahawak ng anumang kaso ng pinaghihinalaang Ebola, ngunit ni isa ay wala siyang pinangalanan sa mga ospital na ito, o binanggit kung saan matatagpuan ang mga ito,” sabi ni dela Cruz.
Sinabi rin umano ni Dr. Suy na may mga nakahanda ng mga laboratoryo at mga sinanay na tauhan ng mga ito para sa pag-test ng mga pinaghihinlaang kaso ng Ebola. Ngunit walang binanggit na mga pangalan o address ng mga laboratoryo.
“Hangga’t hindi partikular na pinapangalanan ng DOH ang mga ospital, laboratoryo at mga tauhang sinasabi nilang tutugo sa anumang kaso ng Ebola, walang kasiguruhan ang sambayanan na tutoo ang mga ito at talagang handa ang gobyerno laban sa naturang sakit,” ayon kay dela Cruz.
Kailangan ding matiyak ng sambayanan, ayon sa ABAKADA congressman, na mayroong sapat na kagamitan at mga pasilidad ang mga ospital ng pamahalaan laban sa Ebola, lalo pa kung magkakataong marami ang magiging pasyente.
“Buhay ng sambayanan ang nakataya sa usapin sa Ebola. Karapatan nilang malaman ang katotohanan sa kahandaan at kakayahan ng gobyerno laban sa naturang sakit, sa lalong madaling panahon,” anya pa.
- Latest