Napoles video ilantad!
MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco si Justice Secretary Leila de Lima, na isapubliko ang 5 1/2-oras na video na naglalaman ng pakikipag-usap nito sa negosyanteng si Janet Lim Napoles na kinasuhan at nakulong kaugnay ng kontrobersiyal na anomalya sa Priority Development Assistance Fund.
Ayon kay Tiangco, kasama sa video ang affidavit ni Napoles na naglalaman ng mga pangalan ng mga personalidad na nakinabang sa P10 billion PDAF na pawang mga malalapit at kaalyado umano ng administrasyon.
Ayon sa gumawa ng Napoles affidavit, walang plano si de Lima na ilabas ang video dahil nakasaad dito kung paano napasok ni Napoles ang Department of Budget and Management (DBM) at namaniobra ang sistema dito sa tulong ng “contacts” sa loob ng departamento.
Nagtataka si Tiangco kung bakit ayaw ilabas ni de Lima ang video na nagdedetalye kung paano nadawit ang pangalan ni Budget Secretary Butch Abad, sa pagse-set up ng NGOs at foundations.
Ang video ay one-on-one nina de Lima at Napoles na kinuha sa Ospital ng Makati (OsMak).
Nakadetalye rin dito kung paano iset-up ni Abad ang buong pamamaraan sa PDAF money para sa sa mga ghost projects mula sa mga bogus NGOs, at pagbibigay ng komisyon sa mga mambabatas kapalit ng “goodwill”.
“Ang tanong lang naman kay Sec. De Lima ay kung bakit ayaw niyang imbestigahan si Sec. Abad? Napalitan na ba ang ‘Napoles List’ ng ‘De Lima List’?” giit ni Tiangco.
Kinuwestiyon din ni Tiangco ang kabagalan ng pagsasampa ng kaso laban kay Abad at iba pang opisyal ng administrasyon sa PDAF scam na mismong si Napoles na ang nagsiwalat.
- Latest