Custody ng US Marine sa transgender slay hihingin
MANILA, Philippines – Hihilingin ng Pilipinas sa Amerika na mailipat ang kustodiya sa US Marine na suspek sa pagpaslang sa Pinoy transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer na natagpuang patay sa isang lodging house sa Olongapo City.
Nakilala ang suspek na si Pfc. Joseph Scott Pemberton, miyembro ng US Marine at naka-assign sa 2nd battalion ng 9th Marines na lulan ng USS Peleliu na nakadaong sa Subic.
Nilinaw ni Presidential Spokesperson Sonny Coloma sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) ang sinumang US servicemen na lumabag sa batas ng Pilipinas ay makakasuhan at isasailalim sa jurisdiction ng Pilipinas pero ang custody nito ay mananatili sa US government.
Sa ilalim din ng VFA ay puwedeng hilingin ng Pilipinas ang custody ng suspect na US serviceman na may nilabag na batas.
Tiniyak ni Coloma na walang mangyayaring whitewash sa krimen.
Ayon naman kay DFA Spokesperson Charles Jose, oras na masampahan na ng kaso ang US Marine, susubukan ng Pilipinas na makuha ang kustodiya rito.
Pinigil namang makaalis ang barko sa Pilipinas kung saan nakasakay si Scott kasabay ang paniniguro ng US Embassy ng kanilang kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpatay sa transgender.
Mismong si US Ambassador Philip Goldberg ang naniguro na makikipagtulungan sila sa gobyerno sa imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng pagpaslang sa transgender kasabay ang pagpapahatid ng pakikiramay sa pamilya ni Laude.
- Latest