Mayon tahimik na pumutok
MANILA, Philippines – Nagbuga kahapon ng makapal na lava ang Bulkang Mayon matapos makakita ng dumadausdos na materyal sa dalisdis ng bulkan mula sa tuktok nito.
Sa isinagawang aerial validation sa bulkan, kinumpirma ni Phivolcs resident volcanologist Ed Laguerta na nagkaroon ng “short and sluggish lava flow” sa bulkan.
Namataan ang “parang umuusok at mapulang bato” o maikling lava flow sa eastern side ng Bonga Gully.
Nasa “quiet eruption” ang Mayon ngayon, sabi ni Laguerta.
“Soft eruption” naman ang naging pagtaya ni Governor Joey Salceda matapos mag-aerial validation sa bulkan.
Paliwanag naman ni Phivolcs Director Renato Solidum: “eruption na ang paglabas ng lava pero hindi iyan ‘yung explosive.”
Hindi anila ginagamit ang ‘soft eruption’ na termino. Ang nangyari anya ay maituturing na “non-explosive (eruption) meaning there is only the quiet effusion o extrusion of lava from the summit.”
Isa ang lava flow sa ‘parameters’ na tinututukan ng Phivolcs, bukod sa crater glow, na mga tandang papunta na sa pagputok ang bulkan.
Dagdag ni Solidum, pahiwatig ito ng “renewed activity” sa pinakatuktok ng Mayon kung saan umabot na ang panibagong batch ng magma.
Pero tiniyak ni Solidum na wala pang rason para itaas sa alert level 4 ang Mayon pero posibleng mangyari ito sa mga susunod na araw o linggo.
Sa ilalim ng alert level 3, posible pa rin ang mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang linggo dahil nasa bunganga na ang magma nito.
At ang posibleng “explosive eruption” ang siyang dapat paghandaan, ani Solidum.
Ayon kay Albay Gov. Salceda, 80% ang probability ng pagkakaroon ng hazardous eruption partikular ng isang “volcanian eruption” kung saan inaasahan ang pagbuga ng malalaking nagbabagang bato, ashfall at pyroclastic materials ng bulkan.
Pag-aaralan pa ng awtoridad sa mga susunod na araw ang mga datos kung itataas sa alert level 4 ang bulkan.
- Latest