Cellphones bawal sa bank employees
MANILA, Philippines - Ipagbabawal na rin sa mga empleyado ng bangko ang paggamit ng cellphone bilang paghihigpit sa seguridad laban sa mga krimen na pumupuntirya sa bank industry.
Nakapaloob sa House Bill 5033 na inihain ni Bulacan Rep. Gavini Pancho o ang “Cell Phone in Banks Prohibition Act of 2014” na papayagan lamang ang mga empleyado ng bangko na gumamit ng kanilang mga cellphones kapag oras ng kanilang mga break at hindi habang nagtatrabaho o kaya ay nasa harap ng mga kliyente.
Tanging ang mga medical doctors at mga emergency health care practitioners lamang ang papayagan na gumamit ng nasabing device sa loob ng bangko dahil sa posibilidad ng emergency.
Bagamat noon pa man ay ipinagbabawal na talaga ang paggamit o paglalabas ng cell phone sa mga bangko ay mga kliyente lamang ang sakop nito at walang kaagapay na batas na susuporta para sa paghihigpit pa ng seguridad.
Ang mga hindi susunod sa bank management o security personnel ay mumultahan ng P1,000 at detensyon sa Barangay o Police station na nakakasakop sa bangko habang ang mga bank personnel ay pagmumultahin ng P2,000 o suspensyon o parehong parusa.
- Latest