Family Farming isinusulong ni Villar
MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Cynthia A. Villar sa pamilyang Pilipino partikular sa mga nakatira sa lalawigan na magsagawa ng family farming, o magtanim ng gulay at prutas sa kanilang sariling bakuran.
Aniya, madalas na sa backyard farms o vegetable gardens nagsisimula ang agri-related o farm business enterprises.
Sa katunayan, sinabi ng senador na idineklara ng United Nations ang 2014 bilang “International year of Family Farming.”
Base sa official statistics, aabot sa 1.5 bilyong katao ang nasa family farming sa mahigit 500 milyong sakahan sa buong mundo. May 50 percent din ng pagkain sa buong mundo ang nagmumula sa family farmers.
Bunga nito, binigyan-diin ni Villar na kailangang tulungan ang maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad na magkaroon ng karagdagang kita.
Ayon sa senador, regular siyang nagbibigay ng vegetable garden projects sa mga pamilyang apektado ng mga nakaraang bagyo sa iba’t ibang lalawigan na karamihan ay nakatira sa tents o shelters.
Binanggit din niya na angkop ang ganitong uri ng trabaho sa agrikultura sa OFWs na nakatira sa labas ng Metro Manila.
- Latest