Bahay ni Purisima sa Nueva Ecija 'normal' lang daw
MANILA, Philippines – Hindi mansyon at simpleng bahay lamang ang pagmamay-ari ni Philippine National Police Director General Alan Purisima sa Nueva Ecija, ayon mismo sa opisyal ngayong Huwebes.
Sinabi ng director general na walang mali sa pagbili ng 4.7-hektaryang lupa na nagkakahalaga ng P3.7 milyon sa San Leonardo, Nueva Ecija.
"Hindi s'ya mansyon kundi ordinaryong bahay lang na siyang in-improve namin," paliwanag ni Purisima.
Iginiit ng hepe ng PNP na hindi niya sisirain ang tiwala na ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong Benigno Aquino III.
Nahaharap si Purisima sa dalawang magkahiwalay na kaso ng plunder at graft sa Office of the Ombudsman dahil sa umano'y tagong yaman.
Sinabi niya nitong kamakalawa sa imbestigasyon ng Senado na sinisiraan lamang siya ng kanyang mga nasagasaan sa PNP sa kanyang paglilinis ng kanilang hanay.
Nanindigan si Purisima na hindi siya magbibitaw sa puwesto dahil ayaw niyang manaig ang katiwalian.
- Latest