‘Exact change’ sa QC isinulong
MANILA, Philippines - Napipintong ipagbawal sa Quezon City ang hindi pagbibigay ng tamang sukli sa mga kustomer matapos maghain ng ordinansa si District 5 Councilor Karl Castelo ukol dito.
Sa panukala ni Castelo sa konseho, obligado ang mga negosyante na magsukli ng tama dahil kung hindi, pagbabayarin sila ng multa na P5,000 bilang kaparusahan.
Nakabase ang panukala ni Castelo sa umaapaw na reklamo ng mga mamimili patungkol sa mga tindahan na kulang manukli.
“Kung hindi man kulang, ibang bagay tulad ng kendi ang kanilang isinusukli sa mga mamimili. Ito ay hindi tama at isang malinaw na pang-aabuso sa mga mamamayan lalu na sa mga mahihirap,” paliwanag ni Castelo.
Napikon din si Castelo sa mga reklamo na hindi umano pinagbebentahan ng mga abusadong tindahan ang mga kustomer na walang barya o malaki ang pera na hindi kayang suklian ng tindahan.
Napag-alaman naman na agad na idinideposito ng mga tindahan ang kanilang benta sa bangko bilang proteksiyon laban sa mga masasamang loob kaya kadalasan ay nawawalan ang mga ito ng panukli sa mga mamimili.
Pero ayon kay Castelo, dapat ay nagtitira o naghahanda ang mga tindahan ng sapat na barya bilang panukli partikular sa umaga kung kailan madalas na nagtatalo ang mga negosyante at kostumer dahil sa kakulangan ng panukli.
Samantala, pinag-aaralan pa ni Castelo ang hiwalay na ordinansa para naman sa mga aroganteng konduktor ng mga bus na walang panukli sa mga pasahero.
Batay rin sa mga reklamo, maraming konduktor ng bus sa Quezon City ang nanghihiya at nagpapababa ng pasahero na buo ang pera at hindi masuklian.
- Latest