Senate probe sa Makati pinatitigil
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng abogado ni Makati Mayor Junjun Binay sa Senate Blue Ribbon Committee na ipatigil ang pagdinig sa sinasabing overpriced na Makati Building 2.
Ngayong araw na ito nakatakdang ituloy ng komite ang imbestigasyon kung saan inimbitahan ang nasa 77 indibiduwal kasama na sina Vice President Jejomar Binay at anak nitong si Mayor Binay.
Ayon kay Atty. Claro Certeza na personal na naghain ng “Manifestation with Motion” sa tanggapan ni Sen. Teofisto Guingona, nilabag ng Blue Ribbon sub-committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel ang karapatan ng kanyang kliyente kabilang na ang maagang paghusga sa kanya.
Ipinaliwanag ni Certeza na, sa ilalim ng Section 3 ng Resolution No. 5 ng Senate Rules of Procedure on Inquiries in Aid of Legislation, dapat solusyunan muna ang naisasampang jurisdictional challenge bago ipagpatuloy ang mga pagdinig sa anumang imbestigasyon.
Ipinahiwatig ni Certeza na mahalagang maiprisinta muna sa lahat ng mga miyembro ng komite ang isang jurisdictional challenge para sa tamang pagtataya at pagdedesisyon.
Nauna rito, dinismis ng sub-committee na pinamumunuan ni Pimentel ang naturang jurisdictional challenge at ipinagpatuloy ang pagdinig sa kabila ng pagtutol ni Certeza.
Pinuna ni Certeza na naging arogante umano ang sub-committee sa pagsasagawa ng kapangyarihan sa pagbibigay ng hatol sa jurisdictional challenge.
Idiniin pa ni Certeza na, sa ilalim ng Senate rules, ang anumang jurisdictional challenge ay dapat pagpasyahan ng buong Blue Ribbon Committee at hindi ng isang sub-committee lang.
Kinumpirma rin ni Certeza na hindi muli dadalo sa pagdinig ngayon ang mag-amang Binay.
- Latest