Kotongan sa Port of Manila talamak
MANILA, Philippines - Ibinulgar ng Malacañang na umiiral pa rin ang malawakang ‘kotongan’ sa loob at labas ng Port of Manila.
Ayon kay Secretary to the Cabinet Rene Almendras, isinumbong ng mga importers at truckers na nagkakaroon ng lagayan para makapasok at makapagkarga ng container van ang mga trak.
Ipinapalabas anya ng mga fixer na puno na ang Port of Manila kaya para papasukin, napipilitan umanong magbayad ang truckers ng P500 hanggang P2,500.
Sabi pa ni Almendras, maging sa paglabas ng pantalan ng mga truck patungo sa kanilang destinasyon ay muling dumadanas ng ‘pangongotong’ sa ginagawang paninita naman dito ng mga enforcers.
Dahil sa natuklasang katiwalian, nagpatupad na ng color coding ang Task Force Pantalan para mabatid ng truckers kung pwede pa o hindi na maaaring makapasok sa pier.
Binanggit naman ni Almendras na nakatulong ang pagbubukas ng Port of Batangas at Subic Bay Freeport bilang extension para mapaluwag ang Port of Manila.
- Latest