'Di ako papayag manalo ang katiwalian – PNP Chief
MANILA, Philippines – Walang balak iwanan ni Philippine National Police Chief Alan Purisima ang kanyang puwesto sa kabila ng mga panawagan na bumaba sa posisyon kaugnay ng mga kinakaharap na kontrobersya.
Binasag ni Purisima ang kanyang katahimikan ngayong Martes sa kanyang pagharap sa Senado upang depensahan ang sarili mula sa kanyang mga kritiko.
Sinabi ,ng hepe ng pulisya na sinisiraan lamang siya ng mga taong nasagasaan niya sa paglilinis ng kanilang hanay kaya naman patuloy niyang lalabanan ang katiwalian.
Kaugnay na balita: PNoy muling idinepensa si Purisima
“Nakakalungkot po na kung kailan natin winawakasan ang katiwalaan at korapsyon sa pambansang pulisya saka pa tayo binabato ng pagdududa,” wika ni Purisima.
“Sa ating pagpapatupad ng reporma, madalas natin nakababanghga ang mga humahadlang sa pagbabago. Ang nais nila magpatuloy ang tiwaling sistema kung saan ang mismong proseso at patakaran ng kapulisan ang ginagamit upang pakapalin ang sariling bulsa.”
Aniya maraming “raket” ang nawala sa fire arms at explosives department matapos niyang idiretso ang baluktot na sistema sa pagkuha ng lisensya ng baril.
“Sa ating paghahangad na ayusin at itama ang sistema, may mga nawalan ng raket, kita at kabuhayan. Gusto nila tayong siraan ngayon para maging business as usual ulit. Hinding-hindi po ako papayag na magkakaganoon,” pahayag ng hepe ng PNP.
“Hindi na uubra ang modus nila, 'yan ang ipinatagil ko at patuloy kong babantayan kahit sino man ang tamaan.”
Nahaharap sa kasong plunder at graft si Purisima matapos kasuhan ng consumers group nitong nakaraang linggo at ng Violence Against Crime and Corruption kahapon sa Ombudsman dahil sa umano'y mga tagong yaman niya na hindi nakasaad sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Networth.
Bukod sa plunder at graft nahaharap din ang hepe sa mga kasong indirect bribery, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at kasong administratibo kabilang na ang dishonesty, grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of public service.
Naniniwala si Purisima na sa kanyang pagpapatupad ng “tuwid na daan” ni Pangulong Benigno Aquino III ay marami siyang nakakalaban, ngunit tiniyak na hindi siya aatras.
“Kapag tinatama natin ang anumang kamalian papalag ang mga nakikinabang sa lumang kalakaran, mawawalan sila ng pagkakakitaan masisira nag kanilang negosyo," patuloy pa ni Purisima.
“Hindi na tayo nagugulat sa panininra, na pumipilit sa atin na tumalikod sa bayan, pero hinding-hindi ako tatalikod sa aking sinumpaang tungkulin, hindi ako papayag na mananalo ang katiwalaan.”
- Latest