Mag-amang Indian trader kinasuhan ng carnapping
MANILA, Philippines - Sumisigaw ng katarungan ang mag-asawang negosyante makaraang lokohin at hindi maibalik ang kanilang mamahaling sasakyan na kinuha umano ng mag-amang Indian trader. Kasong carnapping ang isinampa ni Nimdorge Tariman ng Betterliving Subdivision, Parañaque City laban sa mag-amang kapitbahay nito na sina Vincent at Michael Saldanha noong July 8, 2014 sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Sa sinumpaang salaysay ni Tariman, nagprisinta si Vincent na siya na ang magbebenta ng sasakyan nito na kulay itim na 2009 Toyota Camry na may plakang NQO 188 sa halagang P1 milyon.
Subali’t humingi ng konsiderasyon si Vincent kaya ibinababa ang presyo sa P900,000 mula sa usapang P1 milyon kung saan P500,000 dito ay pambayad ni Tariman sa kanyang utang sa isang Ms. Kamla na kaibigan naman ng mga Saldanha at P400,000 na lamang ang ibabalik sa kanya bilang kabuuang bayad sa naturang sasakyan.
Bukod dito, nag-isyu rin ng “pay to cash” cheque ang misis ni Tariman na si Maria Josefina Carlota A. Banaag-Tariman na nagkakahalaga ng P375,000 at ipinagkatiwala kay Vincent para pambuo sa kabuuang P875K na utang nila kay Ms.Kamla.
Mayo 14, inutos ni Vincent sa anak na si Michael na kunin ang naturang sasakyan sa bahay ni Tariman upang i-test drive at maibenta na.
Gayundin, nadiskubre ni Tariman na na-encash ni Vincent ang tsekeng P375,000 nguni’t hindi naman ito ibinigay kay Ms. Kamla kaya napilitan silang kunin ang sasakyan kay Vincent.
Kinausap ni Vincent si Tariman sa paninigurong may buyer ito kaya’t muling nakuha ng suspek ang sasakyan sa kanilang bahay noong Mayo 23.
Subalit umabot na ang June ay hindi pa rin nabebenta kaya ipinababalik na lamang niya ang sasakyan.
July 3 ay nagtungo ang mag-asawang Tariman kasama ang mga pulis sa bahay ni Vincent para kunin ang sasakyan pero bigo silang matagpuan ang nasabing Camry.
Noong July 7, nagtungo na rin si Tariman sa Parañaque Police Station partikular sa Anti-Carnapping Unit upang ipaalarma na ang kanilang sasakyan na hanggang ngayon ay hindi na matagpuan.
- Latest