RC Malate Prime nakiisa sa Int’l Clean-Up Day
MANILA, Philippines – Nakiisa ang Rotary International District 3810 sa pagdaraos ng taunang International Coastal Clean-Up Day sa pangangasiwa ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila noong Setyembre 27, Sabado ng umaga.
Kabilang ang Rotary Club of Malate Prime sa pamumuno ni Best Class President Ellen F. Gamotea, RC Pasay West, RC Trece Martirez, RC Hiyas ng Maynila, RC Ermita, RC Tondo, RC Hiyas ng Bacoor, RC Manila Metro, RC Dasmariñas Cavite, RC Kawit Kalayaan, RC Pasay Illustrado, RC Pasay Marina, RC Pasay Cybercity, RC Pasay Millenium, RC Pasay MOA, RC Rosario, RC Cavite Sentro, RC Pasay Centro, RC Raha Sulayman, RC Mabini Manila, RC Magdiwang, at iba pang Rotary clubs ng RI District 3810 sa ilalim ng pamamahala nina District Governor Edmond Aguilar at PP Marilar de Guzman, Chair ng D-3810 Preserve Planet Earth, na sumuporta sa 2104 International Coastal Clean-Up Day na may temang “Turn the Tide on Trash!”
Sa pangunguna ni Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada, inumpisahan ng mga volunteers ang paglilinis ng mga basura sa Manila Baywalk, malapit sa US Embassy, at naging katuwang nito ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga estudyante ng iba’t ibang paaralan sa Metro Manila, mga kinatawan ng Int’l Coastal Clean Up, Department of Public Services, Philippine Coast Guard Auxilliary, Department of Environment and Natural Resources, Ocean Conservancy, Boy Scout of the Philippines, at non-governmental organizations.
Ayon sa rekord ng Ocean Conservancy ng 2013 Int’l Coastal Clean-up drive sa Maynila, umaabot sa mahigit 2.4 milyong upos ng sigarilyo, habang milyun-milyon din ang nakuhang styrofoam at plastic bottles na itinapon sa baywalk .
Sa kanyang pananalita, sinabi ni Estrada na kailangang mapanatili ang kalinisan sa Maynila o Metro Manila upang maiwasan ang maruming kapaligiran at ang pagbaha sa tuwing may mga pag-ulan at bagyo.
Inihalimbawa ni Estrada ang Hong Kong sa Pilipinas kung saan ang HK umano ay napapanatili nito na malinis ang paligid na dapat ay tularan din ng mga Pinoy.
Tinataya na umaabot sa mahigit 150,000 volunteers sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ang nakiisa sa Int’l Coastal Clean-Up noong Sabado.
Noong nagdaang taon, umaabot sa 648,015 volunteers sa may 92 bansa ang nakahakot ng may 12.3 million pounds ng basura sa ginanap na 2013 Int’l Coastal Cleanup sa iba’t ibang panig ng mundo.
- Latest